Ricky, handang tulungan ng Ladlad
Ni Gorgy Rula
Abante
PORMAL na in-announce ng Ladlad partylist na tinanggap na ni Boy Abunda ang matagal nilang alok na maging Senior Party Adviser.
Kasama ni Kuya Boy na humarap sa press kahapon ang Ladlad chairperson na si Bemz Benedito para ipahayag ang pagiging aktibo ni Kuya Boy sa naturang samahan.
Matagal nang sumusuporta si Kuya Boy sa naturang grupo pero ngayon lamang siya nagsalita at ipinahayag ang kanyang partisipasyon sa ipinaglalaban ng Ladlad para sa 2013 Elections ay magkaroon na ito ng puwang sa Kongreso, na ang target nila ay makakuha ng tatlong seats.
Ayon kay Kuya Boy, “Alam n’yo naman lahat kung ano ang laban nitong Ladlad na nangyari sa Comelec hanggang sa nakarating sa Korte Suprema, at ang prosesong ‘yun.
“Pagkatapos matalo ng Ladlad nu’ng nakaraang eleksyon, hindi na kami papayag. Kaya ngayon, hinihikayat na namin ang lahat ng aming mga miyembro.
“We are assessing, we are revisiting our list, we are encouraging LGBT (lesbian, gays, bisexual, transgender) people in and out of the closet na sana kayo’y makisalamuha, makiisa sa ating movement para sa 2013.”
Nilinaw ni Kuya Boy na wala siyang intensyong maging bahagi sa mga nominado para sa partylist.
Mas pinili niyang maging strategist para sa kampanya nito.
“Hindi po ako interesado. I will be more effective as part of the campaign team. I will be more effective as one of the strategists of Ladlad.
“Hindi po ako interesado para tumakbo sa Kongreso sa pamamagitan ng Ladlad partylist.
“Kung ako’y tatakbo sa pulitika, hindi po sa 2013. Hindi po ako nagsasara. Sa 2016, at ito’y maaring pagka-gobernador sa Eastern Samar.
“Hindi ko po kailangan ang partylist para pumasok sa mundo ng pulitika,” deretsahan niyang pahayag.
Sa presscon pa ring ‘yun ay ipinakilala ng Ladlad ang ilang nabiktima ng human rights violation dahil sa sila ay nasa miyembro ng third sex.
Humingi ito ng tulong sa Ladlad para ipaglaban ang kanilang karapatan bilang tao hindi dahil sila ay bading.
Kaya ipinaglalaban nila, kasama si Kuya Boy, na maging bahagi ng Kongreso ang Ladlad dahil kailangang merong boses ang mga kapatirang nasa LGBT na naagrabyado ang kanilang karapatang pantao.
Sabi pa ni Kuya Boy, “Hindi kami humihingi ng special treatment, kundi equal privileges.”
Aware ang lahat na maraming mga bading ang nabiktima ng krimen, kaya naungkat ang kaso ni Ricky Rivero na gusto ring tulungan ng Ladlad kung kinakailangan niya ito.
Nagpadala raw sila ng bulaklak kay Ricky para iparating ang kanilang suporta sa kung ano mang gusto nitong ipaglaban kaugnay sa kanyang kaso.
“Meron kasing pananaw na sinasabing kapag bakla, parati na lang bumubuwelta du’n sa debate na kasi, eh kasi ganyan.
“Wala hong may karapatang pumaslang, pumatay lalung-lalo na sa ating mga kasamahan na sabihin na natin naghahanap ng kaibigan, naghahanap ng pagmamahal.
“Hindi namin sinasabi that we will condone what is wrong, pero wala hong may karapatang manakit.
Si Ricky ho ay naging biktima ng labimpitong saksak, at hindi ho kami uupo na ngayon at manonood na lang.
“Ito ho ay may kinalaman sa pagiging bakla. Dapat tumigil na ho ito.
“Dapat tumigil na ho ang mga patayan, pamamaslang, pang-aalipusta, diskriminasyon na base po sa sexual orientation at gender identity.
“Suportado ho namin si Ricky dito,” patuloy ni Kuya Boy.
Sa ngayon ay hinihintay lang daw nila na kausapin sila ni Ricky kung kinakailangan nito ng tulong.
Comments