Tagubilin at Habilin Sa pagtatapos ng taong 2009, gusto ko dito ibahagi itong tula na sinulat ni Pete Lacaba na binigkas ni Armida Siguion-Reyna. [Mula sa www.ellentordesillas.com] Mabuhay ka, kaibigan! Mabuhay ka! Iyan ang una’t huli kong Tagubilin at habilin: Mabuhay ka! Sa edad kong ito, marami akong maibibigay na payo. Mayaman ako sa payo. Maghugas ka ng kamay bago kumain. Maghugas ka ng kamay pagkatapos kumain. Pero huwag kang maghuhugas ng kamay para lang makaiwas sa sisi. Huwag kang maghuhugas ng kamay kung may inaapi Na kaya mong tulungan. Paupuin sa bus ang matatanda at ang mga may kalong na sanggol. Magpasalamat sa nagmamagandang-loob. Matuto sa karanasan ng matatanda Pero huwag magpatali sa kaisipang makaluma. Huwag piliting matulog kung ayaw kang dalawin ng antok. Huwag pag-aksayahan ng panahon ang walang utang na loob. Huwag makipagtalo sa bobo at baka ka mapagkamalang bobo. Huwag bubulong-bulong sa mga panahong kailangang sumigaw. Huwag kang manalig sa bulung-bulungan. Hu...