Ingat sa tsismis
By Ellen Tordesillas
www.ellentordesillas.com
Ngayong palapit na 2010 eleksyun, dumadami ang mga panggulong mga balita.
Kawawa nga itong si Senator Chiz Escudero. Itong mga nakaraang araw, siya ang pinagdidiskitahan ng ilang grupo na mag-withdraw sa 2010 presidential contest.
Noong Linggo, maaga kong kinalampag ang kanyang political consultant na si Malou Tiquia dahil sa text na nakuha ko tungkol sa SWS survey na run-away si Sen. Noynoy Aquino sa survey sa Luzon.
Malaki ang nakain ni Noynoy sa rating ng ibang mga kandidato katulad nina Sen.Manny Villar, Estrada at Escudero. Pati narin nga yung kay Noli de Castro.
Sinabi sa text na magwi-withdraw daw si Chiz at nakikipag-usap daw kay Noynoy para magiging bise presidente. Sabi ni Malou, “Hindi toto-o yun!”
Pinadala rin sa akin ng isa kung kaibigan ang text sa kanya ni Chiz, “Uso ang tsismis ngayon, he he.”
Alam ng mga kandidato sa oposisyun katulad ni Chiz na nag-iba ang laban sa pagpasok ni Noynoy. Ngunit hindi pa naman sigurado ang damdamin ng buong bansa.
Marami pang isyu ang lalabas at pagsubok na dadaanan ang lahat na kandidato kasama si Noynoy.
Ang mahalaga sa publiko ay ang totoo lang.
Kung may dapat mag-withdraw, siguro si dating Pangulong Estrada.
Pagkatapos ng privilege speech ni Sen. Ping Lacson kahapon, dapat siguro kay Erap, tumulong na lang siyang mailagay sa ayos ang bayan sa pamamagitan ng pagsuporta ng kandidato na may kakayahan gumawa nun.
Sa kanyang pinakahihintay na privilege speech sinabi ni Lacson kung paano ginamit ni Estrada ang kanyang kapangyarihan bilang presidente hindi para ipatupad ang batas kungdi para kumita sa jueteng at smuggling.
Hindi talaga pwedeng pangulo si Erap. Mabait siya ngunit wala siyang disiplina sa sarili. Malabo rin ang kanyang konsepto ng tama at ng mali.
Naniniwala ako sa mga ikinuwento ni Lacson.
Inikuwento ni Lacson kung paano pina-harass ni Estrada ang negosyanteng si Alfonso Yuchengco para pilitin ibenta ang kanyang shares sa Philippine Telecommunications and Investment Corporation kay Manuel Pangilinan ng Philippine Long Distance Company.
Ang punto sa pahayag ni Lacson na parang bitin ay, outside the kulambo siya kay Estrada noon. Maraming beses daw nalalaman na lang niya meron pa lang inutos si Estrada sa kanyang mga tauhan. Hindi niya alam.
Ang tumbok dito ni Lacson ay ang kasong pagpatay sa negosyanteng si Bubby Dacer at ang kanyang driver. Mukhang galit si Lacson na idinadawit siya ni Estrada sa sinasabing “Operation Delta”. Sabi ni Lacson hindi nga niya alam na meron pa lang “Operation Delta”.
Hindi pa nakuntento sa pardon na binigay ni Arroyo, gusto pang bumalik ulit sa pagka-presidente.
Baka akala niya kapag pangulo na siya ulit, paprotektahan niya ang kanyang sarili. Hindi tamang motibo yan sa pagtakbo bilang presidente.
Dapat, tatakbo ka dahil gusto mong makatulong sa taumbayan. Gusto mong tumulong mai-ayos ang lagay ng bansa.
Mas makatulong si Estrada sa bayan kung hindi na niyang ituloy ang balak na tumakbo sa pagka-presidente ulit at gamitin niya ang impluwensya niya sa masa para sa isang kandidato na sa akala niya tunay ang pagmamahal sa taumbayan.
Comments